Cauayan City, Isabela- Natanggap na ang sahod ng 1,391 benepisyaryo ng Tulong Pangkabuhayan para sa Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng DOLE sa barangay Bugallon Norte at Raniag sa bayan ng Ramon, Isabela.
Pinangunahan pa rin ni Isabela Governor Rodito Albano III ang pamamahagi ng TUPAD sa mga benepisyaryo kasama sina Vice Governor Faustino “Bojie” G. Dy III; Congressman Allan U. Ty ng LPGMA Partylist; ARD Grace Pomar ng DOLE RO2, Provincial Director Evelyn Yango ng DOLE Isabela; Mayor Jesus D. Laddaran at ng mga local officials.
Bukod sa ipinamahaging sahod at rice assistance ng mga opisyal, binigyan din ng karagdagang cash incentives ang mga nabakunahang benepisyaryo.
Tumanggap naman ng tulong pinansyal, bigas at karagdagang incentive ang 288 barangay Tanod sa nasabing bayan.
Samantala, iginawad ni Isabela Gov. Albano ang tseke na nagkakahalaga ng P100,000.00 sa dalawang centenarian ng bayan ng Ramon at ipinasakamay ang limang (5) truck sa lokal na pamahalaan para sa mga nasasakupang barangay.
Nag-iwan din ng P3 Milyon sa pamamagitan ng tseke ang Gobernador sa alkalde na gagamitin para sa mga gagawing proyekto sa nasasakupan nito.