Pag-aaring kompanya ng China na nasa Pilipinas, ipinapa-ban ng isang senadora

Nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa gobyerno na tuluyang i-ban ang kompanyang pag-aari ng China na nasa Pilipinas.

Ang Chinese state-owned company na ito na nasa bansa ay ang Chinese Communication Construction Co. (CCCC).

Dahil sa panibagong insidente ng pam-bu-bully sa bansa ay iginiit ni Hontiveros na hindi naman talaga kaibigan at hindi mabuting kapitbahay ng Pilipinas ang China.


Naniniwala ang senadora na ang tuluyang pag-ban sa bansa ng isa sa subsidiary companies ng China ay isang paraan ng pagpapahayag na hindi natin kinukunsinti ang anumang uri ng pang-aabuso.

Giit ni Hontiveros, ang CCCC ay isang ‘predatory company’ dahil nagkukubli ito bilang lehitimong negosyo sa Pilipinas pero ito pala ay tumutulong sa China sa unti-unting pagsakop sa bansa.

Tinukoy ng mambabatas ang pakikipagsabwatan ng kompanya sa Chinese maritime militia para sirain ang coral reefs sa West Philippine Sea (WPS) at ang CCCC rin ay kabilang sa mga kompanya na nagtayo ng artificial militarized islands sa ating karagatan.

Hiniling din ni Hontiveros na silipin ng ehekutibo ang mga kasalukuyang proyekto ng pamahalaan sa nasabing kompanya at itigil na ang anumang ugnayan dito sa lalong madaling panahon.

Facebook Comments