13th month pay para sa mga contractual at job order sa pamahalaan, inihain sa Senado

Itinutulak ni Senator Mark Villar sa Senado ang pagbibigay ng 13th month pay sa lahat ng kontraktuwal at job order (JO) na tauhan sa gobyerno.

Tinukoy ni Villar na ang mahalagang papel ang ginagampanan ng mga contractual worker at job order personnel sa pagseserbisyo pero hindi entitled ang mga ito sa mid-year at year-end bonuses tulad ng 13th month pay.

Bunsod nito ay inihain ni Villar ang Senate Bill 1528 kung saan gagawing mandatory ang pagbibigay ng 13th month pay sa lahat ng kawani ng gobyerno, anuman ang employment status nito, regular man, contractual o job order.


Dapat munang makakumpleto ang empleyado ng isang contract o tatlong buwan na pagtatrabaho bago ang July 1 o ang kasalukuyang fiscal year upang pasok ito sa mabibigyan ng benepisyo.

Nakasaad pa sa panukala na ang minimum na maaaring makuhang 13th month ng mga JO at kontraktuwal ay hindi bababa sa kalahati ng kanilang buwanang kita.

Inaasahang 642,000 na mga hindi permanenteng empleyado ng pamahalaan ang makikinabang sa 13th month pay kapag naisabatas ang panukala.

Facebook Comments