Isang 14-anyos na lalaki mula Alabama ang humaharap sa limang magkakasunod na juvenile murder charges matapos aminin ang pamamaril sa 5-miyembro ng pamilya sa loob ng kanilang bahay, bandang alas onse ng gabi.
Ayon kay Stephen Young, spokesman ng Limestone County Sheriff’s Office, tumawag umano ang lalaki sa kanila at sinabing nakarinig raw ito ng putok ng baril habang nasa basement ng kanilang bahay.
Anito ay agad siyang tumakbo palabas nang marinig ang nasabing putok.
Ngunit kalaunan ay umamin rin ang lalaki dahil napaghahalataan ng pulisya ang pagkakaiba-iba ng kanyang salaysay.
Kabilang sa napatay nito ang kanyang ama na si John Sisk, 38; at ang kanyang stepmother na si Mary Sisk, 35; ang kanyang 5-taong gulang na babaeng kapatid; at dalawang lalaking kapatid na pawang 6-na taon at 6-na buwang gulang.
Natagpuan ang katawan ng tatlong miyembro sa loob ng bahay samantalang naitakbo naman sa ospital ang dalawang iba pa ngunit kalaunan ay namatay rin.
Ayon sa pinsan nito na si Daisy McCarty, nasabi raw sa kanya ng pinsan na kamakailangan lang ay nalaman nitong hindi niya tunay na nanay ang kinikilalang ina nito na si Mary at dito daw ay biglang nakita ang pagbabago sa kanya.
Bigla na lamang raw itong nagsusunog ng buhay na hayop at nagva-vandalize sa loob ng paaralan.
Dagdag pa ni Daisy, nararamdaman niyang humaharap sa maraming problema ang bata at ikinalulungkot niya na wala man lang kahit sino sa kanila ang nakatulong rito.
Nang tanungin ng pulisya ang nasabing bata tungkol sa ginamit na baril ay sinamahan sila nito sa lugar kung saan inihagis niya ang baril matapos ang naturang pagpatay.
Humingi naman ng panalangin ang mga opisyal ng paaralang pinapasukan nito gayundin ang mga kapitbahay nila sa kanilang komunidad.
Tinawag naman ni Young na ‘trahedya’ ang naturang krimen.