Aminado ang Philippine National Railways (PNR) na hirap nilang hulihin ang mga namamato ng kanilang mga tren.
Sa datos ng PNR, nasa 14 na insidente ng pamamato ang kanilang naitala mula December 2 hanggang 21.
Ayon kay PNR o-i-c, spokesperson Crissy Ecalnea – kabilang na rito ang insidente noong December 20 kung saan nag-viral ang video ng pagkabasag ng bintana ng pintuan ng tren dahil sa pamamato sa Canlalay sa Biñan, Laguna.
Aniya, hindi madaling tukuyin ang mga namamato lalo na kung tumatakbo ang tren at nagtatago naman ang namamato.
Suportado rin ng PNR management ang isinusulong na panukala sa Kongreso na i-criminalize ang lahat ng uri ng pananabotahe sa operasyon ng train system.
Habang nakabinbin ang panukala, hihingan nila ng danyos at kinakasuhan ng paninira ng government property ang mga naninira ng tren.