14 na pangunahing kalsada, naapektuhan ng lindol sa Abra

Kinumpirma ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na may 14 na pangunahing kalsada ang hindi madaanan dahil sa naganap na lindol sa lalawigan ng Abra.

Ayon kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, dahil ito sa bumagsak na bato, gumuhong lupa at para na rin sa kaligtasan ng publiko at mga motorista.

Sa pinakahuling report na natanggap ni Bonoan, kabilang sa mga isinarang kalsada ay ang Abra – Kalinga Road at Intermittent Sections; Ilocos Norte Road at Calaba Bridge; Abra-Cervantes Road sa Biweng Bridge dahil sa gumuhong lupa.


Sa Cordillera Autonomous Region o CAR, sinara ang Kennon Road, Benguet; Benguet-Nueva Vizcaya Road, Bobok Bisal, Bokod Poblacion sa Bokod Benguet; Baguio-Itogon Road, Itogon Bridge, Congressman Andres Acop Cosalan Road, Sitio, Bugao, Brgy. Adaoay, Kabayan, Benguet dahil gumuho ang lupa gayundin ang Gov. Bado Dangwa National Road sa Beling-belis, Kapangan at bahagi ng Poblacion, Kibungan, Benguet.

Apektado rin ang Kalinga-Abra Road sa Ableg, Pail, Kalinga, Pantikian patungong Balblasang, Balbalan at Lubuagan-Batong Buhay Road sa Upper Kalinga.

Hindi na rin madaraanan ng mga sasakyan ang Banaue-Hungduan-Benguet Boundary Road, Wangwang, Tinoc sa Ifugao; at iba pang road sections sa Baguio – Bontoc Road, Mt. Province-Cagayan via Tabuk – Enrile Road, Mt. Province-Ilocos Sur Road via Kayan at Tue sa Mountain Province.

Tiniyak ni DPWH Secretary Bonoan na patuloy ang ginagawang operasyon ng quick response team upang maayos na ang mga kalsada at iba pang imprastraktura na naapektuhan ng malakas lindol.

Facebook Comments