Umabot na sa 14 na senador mula sa mayorya ang pumirma sa resolusyon na nagpapakita ng suporta sa liderato ni Senate President Tito Sotto III hanggang sa 18th Congress.
Ang resolusyon ay binalangkas ni Senator Panfilo Ping Lacson base sa idea ni Senator Manny Pacquiao.
Kabilang sa mga lumagda ay sina Senators Gringo Honasan, Grace Poe, Loren Legarda, Win Gatchalian, Francis Escudero, Koko Pimentel, Nancy Binay, Joel Villaneuva, Sonny Angara, Richard Gordon, Migz Zubiri, at Ralph Recto.
Nakasaad sa resolusyon ang mga naipasang panukala at mga naging achievements ni Sotto bilang senador lalo na bilang pangulo ng mataas na kapulungan.
Kasama na dito ang napakatataas na approval rating na kanyang nakuha sa mga survey at matagumpay na pagsusulong sa paninindigan ng senado tulad sa isyu ng 2019 national budget.
Ginawa nina Lacson at Pacquiao ang resolusyon makaraang lumutang ang balita na ilalaban ng mga baguhang senador si Senator Cynthia Villar para palitan si Sotto sa 18th Congress.