Aabot sa 14,000 manggagawa ng mga provincial bus firm ang nanganganib na mawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Provincial Bus Operator Association Of The Philippines (PBOAP) Executive Director Alex Yague na 10,000 rito ay mula sa maliliit na provincial bus company na bumabiyahe papasok at palabas ng Metro Manila.
Kabilang sa mga ito ay mga driver, ticket collectors at mga support staff gaya ng mekaniko, dispatser at inspektor na maaaring pinag-retiro, tinanggal, ni-retrench o naka-forced leave.
Kasabay nito, umapela rin ang grupo sa pamahalaan na huwag na munang ipatupad ang cashless payment system sa mga bus.
Katwiran ni Yague, mas maraming konduktor ang mawawalan ng trabaho dahil dito.
Sa ngayon, wala pang abiso kung kailan maibabalik ang biyahe ng mga provincial bus papasok at palabas ng Metro Manila.