45% ng mga pamilyang Pilipino, mahirap – SWS

Bahagyang bumaba ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na itinuturing ang kanilang mga sarili bilang mahirap.

Sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa mula September 12 hanggang 16, lumabas na 45% ng mga pamilyang Pilipino ang ikinokonsidera ang kanilang mga sarili bilang mahirap, mas mababa sa 48% na naitala noong Hunyo.

Nasa 34% naman ang nagsabing sila ay “borderline poor” habang 21% ang nagsabing hindi sila mahirap.


Sa Visayas, bumaba sa 54% ang porsiyento ng mga pamilyang nagsabing sila ay mahirap mula sa 70% noong ikalawang quarter ng 2021.

Bumaba rin ang bilang ng mga pamilya sa Metro Manila na nagsabing sila ay mahirap na nasa 34% mula sa dating 43%.

Nananatili naman sa 38% sa Balance Luzon habang tumaas sa Mindanao na ngayon ay nasa 58% mula sa dating 51%.

Samantala, 6.9% ng mahihirap na pamilya ang itinuturing ang kanilang sarili bilang “newly poor.”

Ibig sabihin, hindi sila mahirap sa nakalipas na isa hanggang apat na taon.

Dagdag pa ng SWS, sa tinatayang 11.4 million na mahihirap na pamilya noong Setyembre, 1.7 million ang bagong mahirap, 1.2 million ang karaniwan nang mahirap at 8.2 million ang laging mahirap.

Facebook Comments