Special investigation task group, binuo kasunod ng brutal na pagpaslang sa isang radio anchor sa Misamis Occidental

Itinatag ang special investigation task group ng Police Regional Office 10, upang magsagawa ng malalimang imbestigasyon hinggil sa nangyaring brutal na pagpaslang sa isang radio broadcaster sa Misamis Occidental na si Juan Jumalon alyas “Johnny Walker”.

Sa ulat ni PRO 10 Director Gen. Ricardo Layug sa Kampo Krame, sinabi nitong magsasagawa sila ng coordinated investigation upang mas mapadali ang pagresolba ng kaso at mapanagot ang nasa likod ng krimen.

Sa ngayon, tuloy-tuloy ang ikinakasang hot pursuit operations ng mga awtoridad upang mahuli ang suspek.


Matatandaang si Jumalon ay nagpo-programa kahapon ng umaga sa kanyang istasyon, na 94.7 Calamba Gold FM, sa kanilang bahay sa Barangay Don Bernardo Neri Calamba, Misamis Occidental nang barilin siya nang malapitan ng nagiisang suspek na nagpanggap na may iaanunsyo umano sa radyo kaya nakapasok sa anchors booth.

Nagawa pang isugod sa ospital ang biktima pero kalauna’y idineklarang dead on arrival.

Facebook Comments