14th month pay, hindi kaya ng MSMEs, posibleng maging pasanin ng mahihirap – ECOP

Kinontra ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) ang muling pagsusulong sa Kongreso ng panukalang 14th month pay.

Ayon kay ECOP President Sergio Ortiz-Luis, sa halip na makatulong ay posibleng maging mas mabigat na pasanin lamang ito lalo na sa mahihirap.

Paliwanag niya, 48 million ng mga Pilipino ang nasa labor market ng bansa kung saan 16% dito ang nagtatrabaho sa mga kompanya na mayorya ay nasa Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs).


Aniya, hindi kakayanin ng mga maliliit na negosyo na magbigay ng 14th month pay gayong hirap na nga sila sa pagbibigay ng 13th month pay.

Dagdag pa ni Ortiz-Luis, sakaling maisabatas ang 14th month pay ay babawiin naman ito ng mga negosyo sa ibinebenta nilang produkto.

Ibig sabihin, magmamahal ang presyo ng mga bilihin at serbisyo at pinakaunang tatamaan nito ay ang 84% ng labor market na kinabibilangan ng mga informal workers.

Kaya sa halip na itulak ang 14th month pay ay atupagin na lamang aniya ng mga mambabatas ang pagtulong sa mga Pilipinong walang trabaho.

“Ang dapat na asikasuhan ng mga mambabatas, yung 84%. Yun yung mga under improved, walang trabaho. Yung 16% kahit papano may trabaho na yan e, may 13th month pay na ‘yan. Yung 84%, panay ayuda ang hinihintay no’n,” ani Ortiz-Luis sa interview ng DZXL 558 RMN Manila.

Babala pa ni Ortiz-Luis, posible ring mag-alisan ang mga investor sa bansa dahil sa mga ganitong panukala.

“Nakakabawas ng trabaho yan, hindi nakakadagdag. Kahit makapasa yan, sigurado ako wala namang [ibang choice] ang presidente kundi i-veto yan,” dagdag niya.

Facebook Comments