Patay ang isang 15-anyos na lalaking tinamaan ng bubonic plague sa Mongolia, ayon sa health officials nitong Martes.
Isa ang binatilyo sa mga kamakailan lang umusbong na kaso ng bihirang bacterial infection sa nasabing bansa at kapitbahay nitong China.
Ayon sa health ministry, nakuha ng lalaki, na nakatira sa probinsya ng Gobi-Altai, ang sakit mula sa pagkain ng marmot o malaking uri ng squirrel.
Kaugnay nito, limang distrito sa naturang probinsya ang isinailalim sa anim na araw na quarantine.
“We quarantined the first 15 people who came into contact with the deceased and those 15 people are receiving antibiotic treatment,” pahayag ni Narangerel Dorj ng health ministry sa ulat ng AFP.
Pagpasok nitong buwan ay dalawang kaso bubonic plague ang naiulat sa Khovd province, kung saan 140 katao ang sinuri, ngunit wala namang naidagdag na positibo.
Isang pastol din sa Inner Mongolia region ng China ang nasuring tinamaan ng plague kamakailan, dahilan upang ipagbawal ng awtoridad ang pangangaso o pagkain ng mga hayop na maaaring pagmulan ng sakit.
(BASAHIN: Bubonic plague sa China, hindi high risk ayon sa WHO)