Cauayan City, Isabela- Nananatili pa rin na COVID-19 Free ang labinlimang (15) bayan sa Lambak ng Cagayan matapos ang halos walong (8) buwan na pakikipaglaban sa banta ng Corona virus.
Batay sa tala ng Department of Health (DOH) Region 2, ang mga bayan ay kinabibilangan ng Sta. Praxedes at Sta. Teresita sa Cagayan; Burgos, Maconacon, Divilacan, Dinapigue at Palanan sa Isabela; Saguday at Nagtipunan sa Quirino; Itbayat, Mahatao, Ivana at Uyugan sa Batanes; Ambaguio at Kayapa sa Nueva Vizcaya.
Gayunman, nagpaalala naman ang DOH2 sa mga Local Government Unit’s (LGU) na huwag magpakampante at ipatupad pa rin ng mahigpit ang mga guidelines at health and safety protocols laban sa COVID-19.
Sa kabilang banda, ang bayan pa rin ng Solano sa Nueva Vizcaya ang may pinakamaraming naitalang kaso ng COVID-19 na umabot sa 268, sumunod ang Tuguegarao City sa Cagayan, City of Ilagan, Isabela at mga bayan din ng Aritao, Bagabag at Bayombong sa Nueva Vizcaya.
Pero, sa pinakahuling datos ng DOH 2, bahagyang bumaba ang bilang ng mga nagpopositibo sa Lalawigan ng Nueva Vizcaya habang ang mga kaso naman ng COVID-19 sa Lungsod ng Ilagan at Tuguegarao ay patuloy na tumataas.