Hiniling ng isang kongresista sa House Committee on Legislative Franchises at sa National Telecommunications Commission (NTC) na imbestigahan din ang iba pang broadcasting companies na nag-o-operate pa rin kahit napaso na ang prangkisa.
Sa ika-sampung pagdinig ng Kamara para sa prangkisa ng ABS-CBN Corporation, sinabi ni Nueva Ecija Rep. Micaela Violago na bukod sa ABS-CBN na naipasara muna ay may 15 broadcasting companies ang patuloy pa rin ang operasyon sa kabila ng expired na ang prangkisa at kasalukuyang dinidinig ng Kongreso ang franchise renewals ng mga ito.
Kinukuwestiyon ni Violago kung bakit pinapayagan pa rin ng National Telecommunications Commission (NTC) ang operasyon ng mga broadcasting company na paso na ang prangkisa.
Posible aniyang may nilalabag din ang mga ito na batas tulad ng labor law o tax evasion law.
Giit ni Violago, dapat na masilip din ang ibang broadcasting companies na patuloy ang operasyon sa kabila ng kawalan ng prangkisa upang malaman kung ito ba ay talagang nakagawian na sa broadcasting industry at para makita rin ng mga Pilipino na patas ang Kamara at walang pinapaburan na anumang kumpanya.
Pinaghahain naman ni House Committee on Good Government Chairman Jonathan Sy-Alvarado si Violago ng resolusyon para masiyasat na rin ang operasyon ng mga broadcast company.