15 katao, arestado dahil sa pamemeke ng RT-PCR confirmatory test results

Mahigpit ngayon ang babala ni Philippine National Police (PNP) Chief General Debold Sinas sa mga namemeke ng RT-PCR confirmatory test results na maaaring makulong.

Ito ay matapos na maaresto ng mga tauhan ng PNP-Aviation Security Group ang 15 indibidwal sa airport dahil sa pekeng SARS-CoV-2 confirmatory test results.

Ayon kay PNP Spokesperson Brigadier General Ildebrandi Usana, ang mga naaresto ay babyahe sana mula Manila patungo sa mga lalawigan ng Davao at Zamboanga City nang mabuking sa airport na peke ang kanilang RT-PCR test results.


Sa ngayon, nahaharap na ang mga ito sa kasong falsification of public documents at paglabag sa Republic Act 11332.

Batay sa batas ang sinumang lumabag sa RA 11332 ay magmumulta ng mula sa P50,000 at makukulong ng isang buwan hanggang anim na buwan.

Kaya naman paulit-ulit ang panawagan ng PNP sa publiko na huwag na huwag mamemeke ng laboratory results dahil bukod sa mahaharap sa parusa, nagdudulot din ito ng pagkalat pa ng virus na maaaring ikamatay nang sinumang mahahawa ng COVID-19.

Facebook Comments