15 na lugar sa bansa, makararanas ng mataas na heat index ayon sa PAGASA

15 lugar sa bansa ang inaasahang makararanas ng mataas na heat index ngayong araw.

Sa pagtaya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) weather bureau, mararanasan ang 42°C hanggang 45°C na damang init sa Dagupan City, Pangasinan; Aparri at Tuguegarao City sa Cagayan at Infanta sa Quezon.

Gayundin sa Puerto Princessa City at Aborlan sa Palawan; Legazpi City, Albay; Virac, Catanduanes; Masbate City, Masbate; Roxas City, Capiz; Dumangas at Iloilo City sa Iloilo; Catarman, Northern Samar; Guiuan, Eastern Samar; at ang Pili, Camarines Sur na inaasahang makakaranas ng pinakamataas na heat index na 45°C.


Una nang naitala kahapon ang mainit na panahon sa Puerto Princesa City at Aborlan Palawan na umabot sa 44°C na itinuturing na nasa dangerous level.

Ayon sa PAGASA, ang mataas na antas ng heat index ay kinakailangan ng extreme caution tulad na lamang ng paglimita sa outdoor activity, iwasan ang matagal na exposure sa init ng araw, uminom ng maraming tubig at magsuot ng light colors o maaliwalas na damit upang maibsan ang epekto ng matinding init ng panahon.

Posible kasing makaranas ng heat cramps at heat exhaustion o heat stroke ang isang indibidwal kung patuloy ang pagbababad sa init ng araw.

Facebook Comments