Iginiit ni House Committee of Health Chairman at Quezon Representative Angelina “Helen” Tan na dapat mapagkalooban ang health services ng mga local government unit (LGU) ng 15% mula sa kanilang internal revenue allotment (IRA).
Ang panawagan ng kongresista ay bunsod na rin ng pag-apruba ng House Committee on Local Government sa watered-down version ng panukala kung saan ibinaba sa 10% ng IRA ang alokasyon para sa health services dahil sa maraming stakeholders at myembro ng komite ang tutol sa 15% na alokasyon.
Pero sa sponsorship ni Tan sa panukala, inilaban nito na hindi dapat bababa sa 15% ng IRA ang alokasyon para sa health care services ng mga lokal na pamahalaan.
Aniya, nakapakahalaga ngayon ng serbisyong pangkalusugan lalo’t nahaharap pa rin ang bansa sa banta ng COVID-19 pandemic.
Sa ilalim ng House Bill 9204 o “Lokal na Pamahalaan Kabalikatan sa Pag-Abot ng Kalusugang Pangkalahatan Act” ay inaamyendahan ang Local Government Code (LGC) of 1991 upang maibigay ang alokasyon na 15% ng IRA para sa health services sa lahat ng LGUs sa bansa.
Bunsod naman ng Mandanas-Garcia ruling ay inaasahang tataas ang IRA ng mga LGUs sa susunod na taon dahil ang “just share” para sa mga lokal na pamahalaan ay hindi na lamang manggagaling sa national internal revenue taxes kundi sa lahat na ng national taxes kasama dito ang customs duties at iba pa.