*Cauayan City, Isabela- *Legal na ang pagsasama ng 15 pares na magsing-irog na mga dating rebelde sa katatapos lamang na mass wedding para sa mga ito noong ika-24 ng Pebrero taong kasalukuyan sa tulong ng 95th Infantry ‘SALAKNIB’ Battalion, Philippine Army sa bayan ng San Mariano, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay LTC Lemuel Baduya, Commanding Officer ng 95th IB, kanyang sinabi na matagumpay na naidaos ang sabayang kasalan para sa mga former rebels na sumuko sa kanilang hanay sa pakikipagtulungan na rin ng LGU San Mariano at mga lokal na opisyal na nag sponsor sa kanilang libreng pag-iisang dibdib.
Karamihan sa mga ikinasal ay mga katutubong agta na dating kasapi ng New People’s Army (NPA) at dati na rin nagsasama.
Pinakabata sa mga ikinasal ay ang 18 taong gulang na babae habang nasa edad 50 pataas naman na lalaki ang pinakamatanda.
Ayon pa kay LTC Baduya, mahalaga aniya na maging legal na ang pagsasama ng mga ito para na rin sa pag-aaral at pagtatrabaho ng kanilang mga anak.
Labis naman ang pasasalamat ng mga dating rebeldeng ikinasal sa pamunuan ng 95th IB at sa mga sponsors dahil natupad na ang kanilang kagustuhan na maging legal na mag-asawa dahil batid rin umano ng mga ito ang kahalagahan ng pagpapakasal.
Sa kasalukuyan, nasa pangangalaga pa rin ng nasabing yunit ang mga ikinasal na dating NPA at karamihan sa mga ito ay tumanggap na ng cash assistance mula sa Enhanced Comprehesive Local Integration Program (E-CLIP) habang ang iba ay ipinoproseso na ang kanilang benepisyo at tulong na matatanggap.