Nailigtas ng isang Panamanian vessel ang 15 Pilipinong mangingisda matapos tumaob ang kanilang sinasakyang bangka sa Bajo de Masinloc sa Zambales kahapon.
Batay sa report ng Philippine Coast Guard (PCG), 17 ang sakay ng bangka na naglayag para makapangisda noong October 2 ng umaga.
Pero October 7 ay hinahampas ng malalaking alon ang bangka na dahilan para tumaob ito.
Ayon kay PCG Spokesperson Captain Armand Balilo, ang bulk carrier na M/V Kumano Maru ay papunta ng Australia mula China.
Nadatnan nila ang mga mangingisda na palutang-lutang na nasa 75 nautical miles kanluran ng Agno, Pangasinan.
Nakakapit ang mga ito sa tumaob na fishing boat na F/B Aqua Princess.
Dalawa sa crew members ang inatasan ng kapitan ng bangka na si Eddie Ariño na gamitin ang service boat para magtungo sa pinakamalapit na Coast Guard Station para humingi ng tulong.
Dumating ang crew sa Barangay Cato sa bayan ng Infanta para i-ulat ang insidente sa sub-station ng PCG.
Agad na nagsagawa ng search and rescue operations ang Northern Luzon district ng PCG katuwang ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) at rescue team ng Infanta, Pangasinan.
Naglabas din ng Notice to Mariners kung saan pinaaalerto ang lahat ng dumadaang barko sa bisinidad na tulungan ang mga mangingisdang naipit sa karagatan.
Dito na kinumpirma ng kapitan ng M/V Kumano Maru na si Captain Bernard Tonding na ligtas na ang kapitan ng F/V Aqua Princess at mga kasamahan nito.
Ang mga nasagip na mangingisda ay itu-turn over sa Patrol Vessel ng PCG na si BRP Malapascua at sila ay ililipat sa Coast Guard Station Pangasinan para sila ay makabalik sa Barangay Cato sa Infanta.