15 pulis QC sinibak matapos matakasan ng 6 na Chinese POGO workers

Sinibak ni Quezon City Police District (QCPD) Director Police Brigadier General Ronnie Montejo ang labinlimang (15) pulis kasunod ng pagpuga ng anim na Chinese POGO workers na nasa kustodiya ng Kampo Karingal.

Bukod sa tinanggalan ng armas, iniimbestigahan na rin ng Criminal Investigation and Detection Unit ang isang police major at ang mga sinibak na pulis na nakatalaga sa District Mobile Force Battalion.

Natuklasang nawawala noong June 22, 2020 sina Zhang Yi Xin, Ludong Jin, Song Qicheng, Lu Yinliang, Huang Yong Qiao at Chen Bin nang isagawa ang isang routine headcount sa loob ng detention facility.


Lumilitaw na ang mga nakapuga ay kabilang sa 342 foreign nationals na hinuli ng Bureau of Immigration (BI) at QCPD noong December 2019 dahil sa ilegal na pagtatrabaho sa isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Barangay Bago Bantay, Quezon City nang walang kaukulang permit mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Facebook Comments