Labing-limang tao ang sugatan at 32 istraktura sa Davao Region at SOCCSKSARGEN ang napinsala ng 6.1 magnitude na lindol sa Magsaysay, Davao del Sur kamakalawa.
Batay ito sa update ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa Region 11 ay 45 katao ang na-displace at kailangang i-relocate sa University of the Philippines (UP) Mindanao Faculty and Staff Housing – Temporary Treatment and Monitoring Facility.
Sa Bansalan at Davao City, Davao Del Sur, tatlong bahay at tatlong gusali ang iniulat na napinsala.
Sa Region 12, 15 ang iniulat na sugatan sa Cotabato Province, habang 21 bahay ang napinsala sa M’lang at Kabacan, Cotabato
Nasa limang imprastraktura naman kabilang ang dalawang simbahan sa M’lang, Cotabato; isang ospital sa Isulan, Sultan Kudarat; at dalawang pribadong gusali sa Kabacan, Cotabato ang napinsala.
Inilikas din ang mga pasyente ng Kidapawan Medical Specialist, Madonna Medical Center at Kidapawan Doctors Hospital Inc, para ma-inspeksyon ang mga gusali, pero nakabalik na rin.
Pitong landslides naman ang iniulat sa Makilala, Cotabato at isa sa M’lang, Cotabato.
Pansamantala namang sinuspinde ng City Government ng Kidapawan at DepEd Cotabato School Division ang trabahon kahapon para sa structural assessment ng gusali.