Cauayan City – Patuloy ang ginagawang pagsuyod ng Philippine Coast Guard – Northeastern Luzon sa karagatan upang hanapin ang 15 tripulanteng napaulat na nawawala noong ikatlo ng Setyembre.
Matatandaang ang mga nabanggit na tripulante ay pawang mga mula sa bayan ng Infanta, Quezon, at naglayag sa karagatan sakay ang bangkang may pangalang FBCA Zshan upang mangisda subalit napaulat na nawawala noong kasagsagan ng hagupit ni bagyong Enteng.
Nito lamang ika-8 ng Setyembre, natagpuan ang wasak na fishing boat sa layong 30 nautical miles o higit 55km mula sa karagatang bahagi ng Sta. Ana, Cagayan, subalit walang natagpuang bakas ng 15 tripulanteng sakay nito.
Sa ngayon, nagsagawa na rin ng aerial search sa bahagi ng baybayin ng Sta. Ana hanggang Valley Cove, Baggao ang PCG kasama ang Philippine Airforce upang hanapin ang nawawalang mga mangingisda.
Nananawagan rin sa publiko ang PCG-Northeastern Luzon maging ang PCG-Southern Tagalog na ipagbigay alam kaagad sa kanilang tanggapan o sa National Disaster Risk Reduction and Management Council sakali man na matagpuan ang ang mga nawawalang tripulante.