150 pesos na dagdag sa arawang sahod ng mga empleyado sa pribadong sektor, inihain sa Senado

Pinadaragdagan ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa mga rehiyon sa buong bansa.

Sa Senate Bill No. 2002 o Across the Board Wage Increase Act of 2023 ni Zubiri, 150 pesos ang isinusulong na dagdag sa kada araw na sweldo ng mga empleyado sa private sector.

Saklaw ng panukala ang lahat ng employers sa pribadong sektor, agricultural man o non-agricultural, magkano man ang puhunan at kahit ilan pa ang bilang na empleyado.


Kapag naging ganap na batas ang dagdag na P150 sa kada araw na sweldo ng mga manggagawa sa pribadong sektor, ang mga kompanya na lalabag dito ay mahaharap sa multang P100,000 hanggang P500,000.

Kung isang malaking korporasyon, asosasyon o kaparehong entity ang lalabag, may katapat naman itong parusang pagkakakulong sa mga responsableng opisyal ng kompanya.

Sa kasalukuyan, ang National Capital Region ang may pinakamataas na daily wage rate na nasa P570 para sa non-agriculture habang pinakamababa naman sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na nasa P316 kada araw na sahod para din sa non-agriculture.

Facebook Comments