1500 na Mangagawa sa Quirino at Nueva Vizcaya, Mawawalan ng Trabaho

Cauayan City, Isabela – Simula sa buwan ng Marso ay sisimulan na ng Oceana Gold Philippines Incorporated (OGPI) ang pagsibak ng kanilang mga manggagawa.

Ito ang sinabi ni Melissa Bowerman, ang Corporate Communication Manager ng Oceana Gold Corporation na nangangasiwa sa Oceana Gold Mining sa Barangay Didipio, Kasibu, Nueva Vizcaya.

Magugunitang nakatigil ang operasyon ng OGPI simula noong Oktubre 2019 matapos magpaso ang FTAA noong Hunyo 21, 2019. Bagamat, ang naturang kumpanya ay mas naunang nagsumite ng kanilang aplikasyon para sa panibagong 25 taon na FTAA noong Pebrero 2018 ay hindi pa ito napipirmahan ni pangulong Rodrigo Roa Duterte.


Sa naunang panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Cagayan Valley MGB Regional Director Mario Ancheta ay iniendorso na ng pangrehiyon at nasyunal na tanggapan ng Mines and Geosciences Bureau maging ang tanggapan ni kalihim Roy Agullana Cimatu ng DENR ang FTAA application para sa pirma ng pangulo.

Magpagayunpaman, hanggang sa pagtatapos ng Enero ay di pa napirmahan ang FTAA extension.

Nagsagawa na rin ang kumunidad ng Didipio at mga karatig barangay ng Kasibu at Cabarroguis sa mga lalawigan ng Nueva Vizcaya at Quirino ng rally noong Enero 16, 2020 sa Mendiola upang hikayatin si Pangulong Duterte na pirmahan ang FTAA extension ng OGPI.

Sa ginawang ugnayan kay Melissa Bowerman ay kanyang binanggit na walong buwan silang nagpapasahod sa mga trabahador sa likod ng tigil operasyon sa paniniwala na magkakaroon sila ng 25 taon pang ekstensiyon at mapait man daw na desisyon ay sisimulan na nilang magtanggal ng trabahador kapag wala pang FTAA renewal sa Pebrero 29.

May lima hanggang pitong mangagawa na mayroong teknikal na kapabilidad ang mapapanatili sa trabaho ngunit sila ay madedestino sa New Zealand o Papua New Guinea kung saan ay mayroon din silang minahan doon.

Maliban sa umaabot na 1500 na regular nilang mga empleyado ay mayroon ding sa tinatayang 4500 indibidwal mula sa komunidad ng Didipio at karatig lugar ang puwedeng mawawalan ng pagkakakitaan.

Sa panayam naman ng 98.5 iFM Cauayan kay Mayor Romeo Tayaban ng Kasibu ay kanyang sinabi na ang rason kung bakit kontra siya sa pagpapanumbalik ng operasyon ng OGPI ay para umano sa proteksiyon ng kanilang kalikasan. Kasama sina Nueva Vizcaya Governor Carlos Padilla at Punong Barangay Ereneo Bobola ng Didipio ang ayaw sa muling pagpapatuloy ng operasyon ng Oceana Gold.


Facebook Comments