Cauayan City, Isabela- Muling kinumpirma ng Department of Health (DOH) Region 2 ang bilang ng mga naitalang kaso ng COVID Delta variant sa Cagayan Valley.
Ito ay matapos ang ginawang masusing pagsisiyasat ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) sa pamamagitan ng kanilang Special Action Team (SAT) kung saan ay nagkaroon ng karagdagang case findings mula dito.
Base sa pagsusuri, tatlo sa limang Probinsya ng Rehiyon Dos ang pinagmulan ng mga kaso, kabilang ang Probinsya ng Isabela kung saan siyam (9) ang naitala sa bayan ng Tumauini at tatlo (3) naman sa bayan ng Luna habang isang kaso ang naitala sa City of Santiago.
Apektado din ang Cagayan na may tig-isang kaso sa bayan ng Ballesteros at Tuguegarao City, at ang pang huli ay sa bayan ng Bayombong, Nueva Vizcaya.
Ayon pa sa DOH,walong kababaihan at walo rin ang kalalakihan na tinamaan ng COVID variant kung saan ang lahat ng kaso ay local cases at pawang 10 ay household close contacts, dalawa naman ay may exposure sa lugar ng trabaho at apat ay hindi alam kung saan nakuha ang sakit.
Sampu sa kanila ay nakaramdam ng mild signs at symptoms, anim naman ay asymptomatic o walang naitalang sintomas ng COVID-19.
Sa kasalukuyan, natapos na ng mga tinamaan ng virus ang kani-kanilang required isolation period at naitalang fully recovered o gumaling na mula sa sakit.