Nadiskubre ng Philippine National Police (PNP) na anim na website ng E-sabong o online cockfighting ang patuloy ang operasyon sa kabila ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na itigil ang naturang aktibidad.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, nagsasagawa na ang cybercrime units ng PNP ng cyber patrolling para mabantayan ang aktibong E-sabong sites.
Aniya, tina-trabaho na rin ng cybercrime units ang case buildup laban sa anim na natukoy na iligal na E-sabong sites.
Hiniling na rin aniya nila sa social media providers na i-take down ang naturang sites, na maaaring tumagal ng dalawang linggo.
Sinabi pa ni Fajardo na nakikipag-ugnayan na ang mga awtoridad sa service providers para matukoy ang mga operator na nagpapatakbo sa illegal sites.
Tiniyak naman ni Fajardo na wala silang sisinuhin para mapanagot sa ‘E-sabong’ crackdown kahit masangkot pa ang mga pulis.