Nasa 16 pang opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang nakatakdang sampahan ng reklamo ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) dahil sa katiwalian at korapsyon.
Ayon kay PACC Commissioner Greco Belgica, bukod sa naunang walong opisyal na sinampahan ng kaso ng task force at sa 16 na kanilang sasampahan din ng reklamo, may 40 opisyal at empleyado ng PhilHealth ang kanilang iniimbestigahan.
Aniya, hindi lang naka-focus ang imbestigasyon ng PACC sa maling proseso sa Interim Reimbursement Mechanism (IRM) kundi sa iba pang katiwalian na kinasasangkutan ng ilang opsiyal ng PhilHealth.
Samantala, umaapela si Health Secretary Francisco Duque III sa mga Senador na huwag ng magsampa ng reklamo laban sa kanya sa Office of the Ombudsman hinggil sa mga katiwalian sa PhilHealth.
Paliwanag ni Duque, mahirap ang ginagawa niyang trabaho sa ngayon at hiling niya na huwag ng maabala pa.
Malaki rin aniya ang tiwala niya sa due process ng Ombudsman at kumpiyansa siyang malilinis ang kaniyang pangalan.