16 na miyembro ng AFP na suspected COVID-19 cases, naka-quarantine sa BRP Ang Pangulo

Ginagamit na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Presidential Yacht na BRP Ang Pangulo (ACS 25) bilang quarantine facility ng mga suspected COVID-19 cases.

Ito ay bilang pagsunod na rin sa direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte kay Philippine Navy Flag Officer in Command, Vice Admiral Giovanni Carlo J. Bacordo.

Ayon kay Philippine Navy Spokesperson LCdr. Maria Christina Roxas na 16 na military frontliners ang kasalukuyang naka-quarantine sa barko habang hinihintay ang resulta ng kanilang COVID-19 RT-PCR Test sa AFP General Hospital.


Ang barko na nakadaong sa Pier 13 ng Manila South Harbor ay may sariling medical staff na kinabibilangan ng isang on-call na doktor, nars, hospital man, at tatlong medical assistants mula sa crew.

Ang medical team ay sasailalim din sa quarantine ng 14 na araw, matapos ang kanilang pitong araw na rotation duty.

Para maging handa sa kanilang misyon.

Bago ito sumailalim ang crew ng BRP Ang Pangulo sa 2-araw na pagsasanay sa Infection Prevention Control (IPC) and Patient Management sa ilalim ng Southern Philippines Medical Center, nitong nakaraang buwan habang nasa Davao City.

Facebook Comments