Cauayan City, Isabela- Naka-isolate na ang labing anim (16) na mga pulis na kasapi ng Enrile Police Station sa Lalawigan ng Cagayan matapos magpositibo sa COVID-19.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Carlos Cortina, kabilang ang hepe ng PNP Enrile sa labing anim na nagpositibo na kasalukuyan din naka-isolate at karamihan aniya sa mga pulis ay asymptomatic o walang ipinamalas na sintomas ng COVID-19.
Nahawa aniya ang mga pulis sa isang nakahalubilong positibong social worker dahil sa kanilang isang inaasikasong kaso.
Dahil dito, pansamantala munang isinailalim sa lockdown ang himpilan ng pulisya para sa contact tracing at isasagawang disinfection.
Sinabi naman ni Dr. Cortina na hindi gaanong mahihirapan ang mga contact tracers sa pagtukoy sa mga nakasalamuha ng mga nagpositibong pulis maliban na lamang sa mga kasamahan na umuwi sa kani-kanilang bahay.
Pansamantala rin inilipat sa ibang area ang quarantine checkpoints ng Enrile at nagpadala na rin ng karagdagang pwersa ang PNP Provincial Director na pansamanwalang hahalili sa naiwang trabaho ng mga nagpositibong pulis.
Nagpapasalamat naman si Dr. Cortina sa ibinigay ng DOH at DILG na karagdagang contact tracers para sa mas mabilis na pagsasagawa ng swabbing at pagkolekta ng mga datos para sa agarang pagtukoy sa mga nakasalamuha ng mga bagong nagpositibo.
Nagpaalala naman ito sa lahat na iwasang magtungo sa mga lugar na may mataas na kaso ng COVID-19 o sa mga lugar na mayroong Local at Community Transmission gaya ng bayan ng Enrile at syudad ng Tuguegarao upang makaiwas sa pagkahawa.
Sumunod sa mga minimum health standards at ipinatutupad na protocols upang makaiwas sa kumakalat na virus.