161 Bagong Miyembro ng PNP, Patuloy na Nagsasanay sa PRO2

Cauayan City, Isabela- Kasalukuyan ang ginagawang pagsasanay ng 161 na kasapi ng Simaglayan Class 2020-01 sa Police Regional Office (PRO) 2 bilang bahagi ng Basic Internal Security Operations Course (BISOC).

Ang nasabing pagsasanay ay isang “Specialized Training” na kailangang pagdaanan ng mga bagong miyembro ng PNP na naunang natapos ang Public Safety Basic Recruit Course (PSBRC) sa Regional Training Center (RTC) 2 bilang paghahanda sa kanilang pagsabak sa realidad ng pagseserbisyo na ang mandato ay ang pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan ng komunidad lalo na ang pagsugpo ng kriminalidad, ilegal na droga, insurhensiya at terorismo.

Kabilang sa mga pagsasanay na kailangang malampasan ng mga BISOC trainee ay ang Internal Security Operations Phase (ISO), Close- Quarters Battle (CQB), Pistol and Rifle Marksmanship, Immediate Action Drill, Land Navigation, Medical Evacuation at Rope Course.


Isusunod sa kanilang training ang labing-apat na araw na Community Immersion kung saan inaasahan na kanilang mararanasan ang aktuwal na mga tungkulin at gampanin ng isang alagad ng batas.

Kaugnay nito, mahigpit namang sinusunod ang mga panuntunang pangkalusugan kontra COVID-19 habang nagpapatuloy ang training upang masiguro ang kalusugan ng mga BISOC trainee maging ng mga Training Staff.

Samantala, inaasahan namang magsisimula sa ika-24 ng Setyembre sa taong kasalukuyan ang pagsasanay ng susunod na batch ng mga BISOC trainee.

Facebook Comments