Cauayan City, Isabela- Tinatayang aabot sa 1,621 indibidwal ang isinailalim sa massive testing sa buong Lalawigan ng Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Governor Carlos Padilla, kanyang sinabi na mula sa 1,621 na sumailalim sa mass testing ay mayroon ng 932 ang lumabas ang resulta kung saan ilan sa mga ito ay positibo sa COVID-19.
Matapos aniya ang pagsailalim ng mga ito ay inabisuhan na ang mga ito na mag self-quarantine at mag-isolate habang hinihintay ang resulta upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng virus.
Ibinahagi nito na karamihan sa mga isinailalim sa mass testing ay mula sa bayan ng Solano na epicenter ngayon ng COVID-19 sa Lalawigan.
Payo nito sa publiko na kung wala naman aniyang importanteng pakay sa bayan ng Solano ay huwag nang pumunta dahil dito aniya ang epicenter ng COVID-19 sa Lalawigan.
Kaugnay nito, mayroon nang mga ginawang hakbang ang pamahalaang panlalawigan katuwang ang provincial COVID-19 Taskforce para sa mga gagawing paraan upang mas mapigilan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa probinsya lalo na sa bayan ng Solano.