Inanunsyo na ng Quezon City Police District (QCPD) ang 166 na mga community firecracker zones at community fireworks display areas sa lungsod kaugnay ng mga aktibidad sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Kasabay nito inatasan ni District Director, Police Chief Superintendent Joselito Esquivel Jr., ang lahat ng mga station commanders na paigtingin ang pag-monitor laban sa mga bawal na paputok.
Layunin ng pagtukoy sa mga firecracker zones na mabawasan ang insidente ng mga nasasaktan at nasusugatan na sanhi ng paputok.
Ang mga designated areas ay una nang tinukoy ng bawat hepe ng mga police stations sa pakikipagsangguni sa mga opisyales barangays sa Quezon City.
Hinimok ni Esquivel ang publiko na sundin ang mga itinalagang ‘firecracker zones’ sa kani-kanilang barangay para roon magpaputok ng mga legal na paputok at magsagawa ng mga fireworks display na maaring panoorin ng publiko.