Nagpositibo sa COVID-19 ang 169 na empleyado ng Dr. Jose Fabella Memorial Hospital sa Maynila.
Ayon sa tagapagsalita ng Fabella na si Dr. Diana Cajipe, nasa 90 na empleyado pa ang susuriin habang umakyat na rin sa 112 ang bilang ng mga pasyenteng may COVID-19 sa ospital.
Kabilang sa mga empleyadong nagpositibo sa virus ay ang mga obstetrician-gynecologist nito na tumutulong sa pagpapaanak ng pasyente kung kaya’t malaking hamon ito para sa Fabella Hospital.
Sa kabila nito ay tiniyak ni Cajipe na karamihan sa mga kaso ay mild at asymptomatic lamang.
Samantala, nasa crisis mode na rin ngayon ang Philippine General Hospital (PGH) sa Maynila dahil 310 na sa kanilang health workers ang nagpositibo na sa virus at kasalukuyang naka-quarantine.
Umabot na rin sa critical level ang occupancy rate ng 15 na pribadong ospital sa Metro Manila dahil sa pagdami ng kaso ng COVID-19.