Makalipas ang mahigit dalawang dekada, nahatulan nang guilty ang 17 lider at miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na sangkot sa pagdukot sa 21 indibidwal sa Malaysia noong taong 2000.
Sa 157 pahinang desisyon ng City Regional Trial Court (RTC) Branch 153, napatunayang guilty ang 17 sa 21 counts ng kidnapping and serious illegal detention with ransom.
Nahatulan din ang bawat isa sa kanila ng reclusion perpetua.
Noong April 2000, dinukot ng mga Abu Sayyaf ang 21 sa Sipadan Island, Malaysia na kinabibilangan ng 3 German, 2 Finnish, 2 South African, 1 Lebanese, 2 French, habang ang 11 pa na nagtatrabaho sa resort ay 9 na Malaysian at 2 na Filipino.
Dinala ang mga ito sa Sulu sa pamamagitan ng bangka at dito na humiling ng pabuya ang grupo sa kanilang mga pamilya at sa gobyerno.
Inabot ng ilang buwan bago sila mapalaya matapos magbayad ng hinihinging ransom money.
Naaresto naman ang mga ASG leader at ilang miyembro pero nakatakas ang mga ito sa jailbreak sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig noong 2005.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, ang naging hatol ng korte ay patunay na ginagawa pa rin ng kagawaran ang lahat upang manaig ang rule of law.
Nagpasalamat naman ang Department of Justice sa iba pang mga ahensiya at sa US government sa pagtulong sa kaso.