17-Anyos na Dalaga, Hinalay, Nabuntis ng Sariling Ama

23

Cauayan City, Isabela- Tinutugis na ng kapulisan ang isang padre de pamilya dahil sa ginawang panggagahasa sa mismong anak sa bayan ng Tuao, Cagayan.

Mismong ang 17 taong gulang na biktima ang dumulog sa pulisya at nagsampa ng kasong panggagahasa laban sa kanyang ama na si alyas Roberto, 50 taong gulang.


Nabatid na tumagal ang panghahalay ng suspek sa kanyang anak ng halos pitong (7) buwan simula noong Enero ng kasalukuyang taon.

Inihayag ng biktima na maraming beses na siyang hinalay ng kanyang ama na isinasagawa sa loob mismo ng kanilang bahay.

Ayon pa sa biktima, natakot lamang aniya itong magsumbong agad sa otoridad dahil sa pananakot ng ama na siya ay papatayin kung magsusumbong ito sa kahit sinong tao.

Dahil aniya sa matinding takot at nararanasang pahirap sa kalooban, nagpatulong ang biktima sa kanyang lolo upang maidulog sa kinauukulan.



Sa ngayon, nagbunga na ang ginawang kahayupan ng ama ng biktima na kasalukuyang nasa pangangalaga ng kanyang lolo habang sumasailalim ito ng counseling mula sa Municipal Social Welfare and Development Office ng LGU Tuao.

Facebook Comments