17 Barangay ng Cauayan City, Namemohan Dahil Hindi Nagpaskil ng Pangalan ng mga SAP Recipients!

Cauayan City, Isabela – Nasampolan at nakatanggap ng memorandum mula sa City Interior Local Gov’t ang 17 Barangay sa Lungsod ng Cauayan.

Tatlo dito ay mula sa Poblacion. Ito ay matapos silang mabigo na ipaskil ang listahan ng pangalan ng mga nabigyan ng ayuda sa ilalim ng social amelioration program ng DSWD sa kanilang nasasakupan.

Kinabibilangan ng mga barangay na ito ang Baringin Norte at Sur, Culalabat, Daburab, Nagcampegan, Cabugao, Andarayan, Carabbatan Bacareño, Gappal, Dianao, Faustino, Nagrumbuan, Pinoma a San Francisco.


Kasama din dito ang tatlong sakop ng Poblacion – ang mga barangay ng Cabaruan, Tagaran at Turayong.

Ang naturang memorandum na pirmado ni City Local Government Operations Officer Raul Melegrito ay personal na dinala sa tanggapan ni Mayor Bernard Dy noong Lunes, May 18, 2020.

Matatandaan na noong April 18, 2020 ay nagpalabas ang DILG National office ng kautusan sa lahat ng Punong Barangay sa bansa na ipaskil ang pangalan ng mga nakatanggap ng ayuda sa tatlong matataong lugar sa bawat barangay.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Año, napakahalaga na maisiwalat ang listahan ng SAP beneficiaries para sa pagsusulong ng honesty, transparency, at sistematikong pagpapatupad sa pondo.

Dagdag pa ni Año, napakaimportante na ihayag ang listahan para maliwanagan din ang mga mamamayan at maintindihan nila na kailangang unahin ang pinakamahirap na pamilya na walang-wala na talagang mapaghuhugutan sa gitna ng krisis na kinakaharap ng bansa.

Pagkatanggap ng memorandum ay agad na tumalima ang apat na barangay na kinabibilangan ng Nagcampegan, Cabugao, Carabbatan Bacareño, at Cabaruan.

Sa ngayon ay hinihintay pa ang paliwanag ng 13 pang natitirang Barangay kung ano ang kanilang mga rason bakit natagalan sila sa pagpapaskil sa listahan ng mga benepisyaryo sa kanilang lugar.

Facebook Comments