Cauayan City, Isabela- Umabot na sa mahigit 1,000 alagang baboy ang isinailalim sa culling o pagpatay dahil sa banta ng African Swine Fever sa bayan ng Roxas, Isabela.
Ayon kay Mayor Jonathan Jose ‘Totep’ Calderon, patuloy ang isinagawang pagkuha ng mga samples sa alagang baboy upang masuri ang iba kung ito ba ay tinamaan din ng ASF.
Kinumpirma din ng alkalde ang ilan sa mga barangay na apektado ng nasabing sakit ng baboy ay kinabibilangan ng Anao, Bantug, Vira, Sinamar, San Antonio, Villa Concepcion, San Pedro, Muñoz East, Simimbaan, San Placido, Luna, Lucban, San Luis, Matusalem, Rang-ayan, Sotero Nuesa at Muñoz West.
Giit ng opisyal, nagkaroon na rin sa ngayon ng pagsusuri sa mga alagang baboy sa iba pang barangay upang masigurong ligtas ang mga ito sa nasabing sakit.
Sa ngayon ay tuloy-tuloy pa rin ang bentahan ng baboy sa kanilang bayan subalit pansin ang pagbagsak ng bilang ng mga mamimili nito.
Pag-aamin pa ni Calderon na kontrolado pa rin ang pagkalat ng sakit ng baboy kung kaya’t wala namang dapat ipangamba ang publiko.