17M Tulong Pinansyal sa mga Biktima ng Lawin, Inilabas Na

Tuguegarao City, Cagayan – Bukod sa dati ng nakalaang pondo, nadagdagan pa ng labimpitung milyong piso ang ipapamahaging tulong sa mga biktima ng Super Typhoon Lawin sa lambak ng Cagayan.

Ito ang masayang ibinalita ni Ginoong Isabelo Adviento ng Anakpawis Partylist matapos magpalabas ang DSWD ng karagdagang pondo mula sa kanilang Emergency Shelter Cash Assistance Program.

Kasama ang DSWD Regional Office 2, napagkasunduan umano ng grupo nina Adviento na magkaroon ng random validation sa mga nagpalista bago ipamigay ang ayudang pinansyal.


Ayon sa kanya, ipapaubaya na nila sa DSWD ang gagawing assessment sa mga nagpalistang biktima ng nasabing bagyo, subalit hinihiling niya na kung maaari ay isama ang mga coordinators ng kanilang grupo upang matiyak na walang papaboran ang mga taga DSWD at mga barangay officials.

Pinayuhan din niya ang mga biktima na nakapagpalista sa ilalim ng nasabing programa na maging mahinahon at iwasang awayin ang mga kasapi ng DSWD na magsasagawa ng validation sa susunod na Linggo.

Bagama’t may 1,700 beneficiaries umano ang naipalista ng Anakpawis at Tulong Sulong Cagayan Valley, aminado naman si Ginoong Adviento na hindi lahat ay makakatanggap ng ayuda dahil na rin sa nauna ng problemang dobleng pagpapatala ng pangalan.

Facebook Comments