18 Katao na Nagpakilalang kasapi ng International Police, Timbog sa Quirino Province

Cauayan City, Isabela- Arestado ang 18 katao kabilang ang apat na senior citizen na pinaniniwalaang miyembro umano ng sindikato na nag-iikot sa Diffun, Quirino.

Nabisto ang modus ng grupo ng sila ay mahuling lumabag sa ipinatutupad na health protocol dakong alas-11 kagabi sa Barangay Balagbag, Diffun, Quirino.

Wala umanong maipakitang dokumento ang mga suspek at unipormado pa na sinasabing miyembro sila ng interpol o International Police.


Ayon kay PCapt. Reynold Gonzales, hepe ng PNP Diffun, bago pa man din ang pag-aresto ay nauna na nilang minamanmanan ang galaw ng grupo dahil sa ulat umano na nambibiktima at nangongolekta ng P2,000 na membership fee at P100 monthly due upang maging ganap na miyembro ng interpol.

Giit pa ni Gonzales, taong 2019 ng namataan ang grupo at isang nagpakilalang heneral sa grupo ang sinasabing pinuno ng interpol.

Base sa mga ipinakitang pagkakakilanlan at ilang dokumento ay bigo rin ang grupo na magpakita ng katunayan ng legalidad ng kanilang samahan.

Nakatakdang sampahan ng kasong Usurpation of Authority at RA 11332 o paglabag sa health protocol ang nasabing mga suspek na nasa kustodiya ng mga otoridad.

Facebook Comments