18-milyong pamilya na saklaw ng SAP, tiyak na mabibigyan muli ng tulong sa ikalawang pagkakataon

Sa pagdinig ng Senado ay tiniyak ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Bautista na mabibigyan muli ng ayuda ang 18-milyong pamilya at vulnerable sectors na benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP) ng gobyerno.

Ayon kay Bautista, sa ikalawang bugso ng SAP ay prayoridad munang maabutan ng ₱5,000 hanggang ₱8,000 na tulong pang-pinansyal ang limang milyong pamilya na hindi nabigyan sa first tranche.

Sa pagdinig ay inihayag naman ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na tatapusin muna ang liquidation ng unang SAP bago ang ikalawang pamimigay ng ayuda.


Una rito ay iginiit ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na dapat ituloy ang pamamahagi ng tulong sa mga natukoy na low-income families kahit nakatira sila sa General Community Quarantine (GCQ) areas dahil pinondohan na 100-bilyong piso.

Samantala, sa Senate hearing ay kinuwestyon naman ni Senator Cynthia Villar ang pagbibigay ng gobyerno ng cash assistance sa mga nabibilang sa middle class na patuloy na tumatanggap ng sweldo sa gobyerno o kaya sa mga pribadong kumpanya.

Tanong ni Villar, bakit umabot sa 18-milyon ang mga mahihirap na pamilyang saklaw ng SAP na halos 82% na ng 22-milyong pamilyang Pilipino.

Pero paliwanag ni National Economic and Development Authority Acting Secretary Karl Kendrick Chua, ang tinutukoy ni Villar ay batay sa datos noon pang 2015.

Ayon kay Chua, ngayon ay nasa 24-million na ang mga pamilyang Pilipino at 18-million sa mga ito ang low-income o mga nagtatrabaho sa informal sector at no work, no pay.

Facebook Comments