18 Pakete ng Shabu, Nasamsam sa Buy Bust!

Bumagsak sa kamay ng pinagsanib na pwersa ng Santiago City Police Station 1 at Station 2 kasama ang Santiago Drug Enforcement Unit o SDEU at Regional Drug Enforcement Unit o RDEU ang isang bagong kilabot na drug dealer sa Santiago City.

Kinilala ang suspek na si Johnny Lee III, 31 taong gulang, walang asawa, walang trabaho, at residente ng No.1 Santiago Heights Subdivision, Purok 5, Caloocan, Santiago City.

Nahulog sa pain ng kapulisan si Lee matapos bentahan ang isang pulis na nagpanggap na poseur buyer.


Ayon kay Police Chief Inspector Reynaldo Maggay, hepe ng Santiago City Police Station 2, nakatanggap ng tawag ang kanilang himpilan mula sa isang concern citizen na umanoy may bentahan ng droga sa lugar kung saan agad naman na ikinasa ang drug buy bust at naging positibo ang pagkakahuli kay Lee.

Nakuha sa pag-iingat ni Lee ang halagang Php3,500 bilang marked money at 18 pakete ng hinihinalang shabu.

Sinabi pa ni Police Chief Inspector Maggay na si Johnny Lee III ay wala sa listahan ng mga tulak ng droga kung kaya’t masusing iniimbestigahan ito ng kapulisan upang matukoy ang iba pang kasamahan ng suspek.

Sa ngayon ay sinampahan na ng kasong paglabag sa RA 9165 o Dangerous Drugs Act ang suspek at nakakulong na sa Santiago City Police Station 2.

Facebook Comments