Tinatayang aabot sa P900 billion ang magiging kita ng pamahalaan sa loob ng 25 taon sa pagsasapribado ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Higit na mas mataas ito mula sa ₱23 billion lamang na kita ng pamahalaan mula 2010 hanggang nitong 2023.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Usec. Timothy John Batan, kabilang sa ₱900 billion ang ₱30 billion na paunang bayad at ₱2 billion na taunang bayad ng bagong operator.
Nasa ₱100 billion ang ilalaan ng bagong operator ng NAIA para sa pagsasaayos ng paliparan.
Dagdag pa ni Batan, hindi lang kita kundi mas dekalidado na serbisyo ang inaasahang makukuha ng gobyerno at publiko sa pagsasapribado ng NAIA.
Kaakibat kasi ng privatization ang mga improvement na gagawin sa paliparan tulad ng pagpapalawak nito para makapag-accommodate nang mas malaking bilang ng mga pasahero.
Nabatid na bago pa ang pandemya noong 2019, ay nasa halos 50 million na pasahero na ang gumagamit ng NAIA gayong ang kapasidad lang nito ay nas 35 million kada taon.
Sa bagong kontrata ng bagong operator, mayroon itong kaakibat na performance indicators na dapat sundin, tulad ng kung ilang minuto lamang pipila ang mga pasahero sa mga counters, bilang ng mga upuan, seguridad sa mga bagahe ng pasahero at availability ng mga pasilidad bente kwatro oras.