Inaasahang mailalabas ngayong hapon ang resulta ng medico legal sa pulis na suspek sa pamamaril at nakapatay sa isang binatilyo sa Rodriguez, Rizal.
Sa impormasyon na ibinigay ni PLtCol. Ruben Piquero, hepe ng Rodriguez Rizal police sa Kampo Krame, sinabi nitong isinalang na sa paraffin test ang suspek na si Pcpl. Arnulfo Sabillo, bilang bahagi ng imbestigasyon.
Isinailalim na rin sa ballistic at cross matching ang baril ni Sabillo matapos makuha rito ang basyo mula sa 9mm na baril.
Sa paunang imbestigasyon napatay ni Sabillo ang 15 taong gulang na biktima na si John Francis Ompad na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa kanyang dibdib.
Hinahabol kasi ng mga pulis ang kapatid ng biktima na tumakas matapos sitahin habang naka-motorsiklo.
Depense naman ng kapatid nito, natakot siya kay Sabillo dahil hindi ito nakauniporme at tila nakainom pa ng alak.