Manila, Philippines – Mapapaaga ng dalawang araw ang pagpunta ng Gilas Pilipinas team na sasabak sa 18th Asian Games sa Jakarta at Palembang, Indonesia.
Sa halip na Martes ay sa Linggo na aalis ang koponan.
Ayon kay head coach Yeng Guiao, malaki ang maitutulong ng dalawang araw na magkakasama ang koponan at ang coaching staff sa paghahanda para sa Asiad.
Masosolo kasi ng coaching staff ang oras ng mga player kapag nasa Jakarta na ang mga ito.
Kahit halos dalawang beses magpractice kada araw ang 14-man pool na binuo para lumaban sa quadrennial games hindi pa rin ito sasapat dahil marami pa ring distraction sa koponan.
Paliwanag ni Giuao, mababago ito oras na dumating sa Indonesia ang koponan.
Matatandaang unang umayaw ang Samahang Basketbol ng Pilipinas na magpadala ng koponan sa Asiad pero nagbago ang isip ng NSA matapos na rin umani ito ng batikos mula sa mga basketball fan at iba pang sektor ng bansa.