19 anyos na binatilyo, hinuli sa Pasig dahil sa pagiging maangas habang sinisita sa quarantine checkpoint

Arestado ang isang binatilyo matapos na lumabag sa mga panuntunan kaugnay sa umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Brgy. San Joaquin, Pasig City.

Kinilala ang naaresto na si Kent Ian Arines, 19 anyos.

Sa ulat ng Eastern Police District, pinara ng mga barangay officials ang sasakyan ng suspek sa quarantine checkpoint sa Visitacion Street, Brgy. San Joaquin, Pasig City.


Nakita kasi nilang hindi inoobserba ng mga sakay ng sasakyan ang social distancing.

Dahil dito, pinaliwanag ng mga barangay officials sa suspek at dalawang kasama nito na posible silang magkaroon ng COVID-19 dahil walang social distancing.

Pero sa halip makinig ay nagalit ang suspek na si Arines at naging maangas pa ang asal sa mga barangay officials kaya inaresto at dinala sa Pasig City Police Station.

Sinampahan ito ng kasong Resistance and Disobedience, Unjust Vexation at paglabag sa Republic Act 11332.

Facebook Comments