Patay ang isang 19-anyos na lalaki matapos umanong gulpihin at hatawin sa ulo ng isang barangay kagawad sa Manaoag, Pangasinan.
Kinilala ang nasawing biktima na si Isagani Ilagan, isang criminology student.
Sa isang ulat, sinabing naganap ang pambubugbog ng opisyal na kinilalang si Roden Padilla sa boundary ng Sta. Barbara at Manaoag nitong Lunes, Agosto 3.
Kuwento ng kaanak na si Anna Pauline Ilagan, pauwi na raw sana ang kaniyang kapatid at kaibigan nito lulan ng isang motorsiklo nang mabangga nila ang ilang barandilya sa kalsada.
Dahil dito ay hinarang at sinita umano sila ng suspek. Pagkaraan ng ilang minuto, sinimulan na raw ng opisyal ang pambubugbog niya sa dalawa habang nakaupo.
Sa ngayon ay nagpapagaling sa pagamutan ang kabarkada ni Isagani na nagtamo ng malalalim na sugat sa katawan.
Mariin naman itinanggi ni Padilla ang krimen na ipinaparatang sa kaniya at dumepensang hindi niya magagawa ang pananakit dahil paralisado ang isa niyang kamay.
Bagama’t hindi pa nagsumbong ang pamilya Ilagan sa pulisya, nais nilang sumailalim sa awtopsiya ang bangkay ng binatilyo upang malaman ang dahilan ng pagkasawi nito.