Arestado ang kabuuang 19 indibidwal sa magkakahiwalay na operasyon kontra ilegal na pagsusugal na isinagawa sa iba’t ibang bayan sa Pangasinan noong Marso 18, 2026.
Sa Pozorrubio, apat na babae ang naaresto matapos mahuli sa aktong naglalaro ng “pusoy.” Nakumpiska sa kanila ang mga gambling paraphernalia at perang pusta na nagkakahalaga ng ₱2,000.
Kalaunan, tatlo pang babae ang nadakip sa Barangay Rosario, Pozorrubio matapos maaktuhang naglalaro ng “tong-its.” Nasamsam ang mga gamit sa sugal at perang pusta na umaabot sa ₱1,000.
Sa Manaoag, limang indibidwal ang naaresto sa Barangay Lelemaan dahil sa paglalaro ng “tong-its.” Nakumpiska ang isang kumpletong deck ng baraha at perang pusta na nagkakahalaga ng ₱708.
Samantala, apat pang katao ang nahuli sa Zone 6, Babasit, Manaoag. Narekober sa kanila ang isang set ng baraha at perang pusta na nagkakahalaga ng ₱695.
Sa bayan naman ng Laoac, tatlong indibidwal ang naaresto sa Barangay Turko matapos rin maaktuhang naglalaro ng “tong-its.” Nasamsam ang isang set ng baraha at perang pusta na umaabot sa ₱685.
Dinala sa kani-kanilang himpilan ng pulisya ang mga naaresto matapos sumailalim sa medical examination, kasama ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang disposisyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







