Pinalalakas ang kita at oportunidad ng mga magsasaka sa Ilocos Norte matapos buksan ang bagong agri-trading center na magsisilbing sentrong pamilihan ng kanilang mga produkto.
Pormal na binasbasan at pinasinayaan ang Ilocos Norte Agricultural Trading Center sa Batac City, Ilocos Norte bilang bahagi ng pagsisikap na mapahusay ang kalakalan ng mga produktong agrikultural sa lalawigan.
Ang makabagong pasilidad na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱30 milyon ay idinisenyo upang gawing mas maayos ang trading process, mabawasan ang gastos, at mapataas ang kita ng mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sentralisadong lugar kung saan maaari nilang ibenta ang kanilang ani.
Target ng trading center na mapagsilbihan ang 60 lokal na farmers’ groups at asosasyon, at may kakayahang mag-accommodate ng humigit-kumulang 50 stalls na pangangasiwaan ng lokal na pamahalaan ng Batac.
Mayroon din itong mga kagamitan tulad ng digital weighing scales, plastic crates, at logistic truck upang mapadali ang pagdadala at pagbebenta ng mga produktong agrikultural.
Sa pamamagitan ng pasilidad, inaasahang matutugunan ang mga karaniwang hamon sa market access at pabago-bagong presyo ng produkto habang napapahusay ang kabuuang sistema ng kalakalan sa sektor ng agrikultura. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










