Sumuko sa pamahalaan ang nasa 19 na miyembro ng CPP-NPA-NDF sa Negros Oriental nito lamang Sabado.
Ayon kay Army Maj. Gen. Benedict Arevalo, welcome sa pamahalaan ang mass surrender na ito ng mga rebelde.
Aniya, napagtanto ng mga kasapi ng CPP-NPA-NDF na mas maganda ang alok na programa at benepisyo ng pamahalaan kaysa namumundok sila at nakikipaglaban sa gobyerno.
Ang 19 na surrenderees ay nagmula sa Central Negros Front 2 ng Komiteng Rehiyon-Negros, Cebu, Bohol at Siquijor.
Base sa mga sumuko, nilinlang sila ng kanilang mga lider kung saan pinangakuan ‘di umano sila na gaganda ang kanilang mga buhay basta’t sumama lamang sila sa pakikibaka.
Sa ngayon ani Arevalo, dumadaan sa serye ng interview ang surrenderees upang mapasama sa benepisyaryo ng pamahalaan.
Kasunod nito, patuloy ang paghihikayat ng Philippine Army sa mga makakaliwang grupo na sumuko na, talikuran ang pakikibaka at magbalik-loob sa gobyerno.