Alegasyon na pinoprotektahan ang mga colorum sa PITX, itinanggi ng MMDA

Itinanggi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kumakalat na alegasyon na pinoprotektahan nila ang mga colorum na sasakyan sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).

Sa pahayag ni MMDA Chairman Romando Artes, nakatanggap sila ng ulat na may mga driver ng colorum ng sasakyan na ginagamit ang isang opisyal ng MMDA.

Ito ang binabanggit na pangalan ng mga nasabing tsuper bilang proteksyon sakaling sila ay mahuli sa pagbiyahe o pagkuha ng mga pasahero sa PITX.


Pero base sa ginawang imbestigasyon ng MMDA, walang katotohanan na may nakukuhang proteksyon o may nagpoprotekta sa mga colorum na sasakyan sa PITX na patuloy na dumarami.

Bilang patunay, nasa 44 na sasakyan ang na-impound ng MMDA dahil sa pagsasagawa ng iligal na operasyon sa PITX.

Binalaan naman ni Artes ang ibang grupo ng mga colorum na sasakyan na huwag ng subukan pang kumuha ng pasahero o bumiyahe pa dahil siguradong mananagot sila sa batas.

Pakiusap pa ng opisyal ng MMDA sa mga pasahero na huwag nang tangkilikin pa ang mga colorum na sasakyan dahil sa bukod sa mataas ang singil sa pasahe, wala rin makukuhang anumang tulong sakaling maaksidente.

Facebook Comments